Tatlong umano’y mga ex-convict ang pinaghihinalaang nilikida ng isang vigilante group at itinapon sa magkahiwalay na lugar, kahapon ng madaling-araw sa Pasay City.
Batay sa ulat ng Pasay City Police, unang natagpuan ang bangkay ng hindi pa nakikilalang biktima dakong alas-3:45 ng madaling-araw sa mga panulukan ng Figueroa St. at Garce Road ng nabanggit na lungsod. Lumalabas sa isinagawang imbestigasyon ni SPO1 Allan Valdez, may hawak ng kaso na ang biktima ay nasa pagitan ng 25-30 anyos, may taas na 5’6’’, balingkinitan ang pangangatawan, kayumanggi, habaan ang mukha, maigsi at may kulay ang buhok, may tattoo na “Scorpio” sa itaas ng bahagi ng kaliwang braso, nakasuot ng itim na sando, maong pants, at puting Nike rubber shoes.
Ayon naman sa Scene of the Crime Operatives (SOCO), ang biktima ay may mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan, nakatali ang mga kamay sa likuran at nakabalot ng masking tape ang bibig at mukha. Nakasubsob ito sa madilim na bahagi ng kalsada.
Samantala, dalawang biktima rin ng summary execution ang natagpuan sa Amang dela Rama Ave., malapit sa Senate at Cultural Center of tha Philippines (CCP) dakong alas-6 ng umaga.
Kasalukuyang nagpapatrulya sa naturang lugar ang isang mobile car nang makita sa naturang lugar ang mga biktima na kapwa nakatali ang dalawang kamay sa likuran, may mga masking tape ang kanilang mga bibig at mukha na may mga tama rin ng bala sa iba’t ibang bahagi ng kanilang katawan.
Batay sa pagsisiyasat, ang mga biktima ay kapwa nasa 25-30 anyos, isa rito ay katamtaman ang katawan, blonde ang buhok, may tattoo na “Brando dela Peña” sa kaliwang binti.
Ang kasama naman nito ay may taas na 5’4”, payat, nakasuot ng kulay itim na sando, maong pants. Nakuha sa lugar ang limang basyo ng kalibre 5.56mm at tatlong basyo ng bala ng 9mm na baril. May hinala naman ang awtoridad na mga miyembro ng isang vigilante group ang may kagagawan sa nasabing insidente at posible rin umanong iisa lamang ang may kagagawan nito dahil pareho ang estilo ng pamamaslang sa mga biktima at hindi magkalayo ang lugar at agwat ng oras sa pagkaka-diskubre sa mga bangkay ng mga ito.