Kasado na sa susunod na linggo o bago sumapit ang Pasko ang planong transport strike ng mga jeepney groups sa bansa sa pangunguna ng Pinag-isang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (Piston) at Pasang Masda, gayundin ang mga kaalyado nitong grupo.
Ayon kay Piston Secretary General George San Mateo, layunin ng hakbang na mapuwersa nila ang tatlong higanteng kompanya ng langis ang Shell, Petron at Chevron na magpatupad ng isang one time big-time rollback sa presyo ng produktong petrolyo
Giit ng naturang mga grupo na maibaba ng naturang mga oil companies sa P26 ang halaga ng kada litro ng diesel bago mag-Pasko dahil bumaba na anila sa average na 40 dollars ang kada bariles ng langis sa world market.
Napapanahon na umano para maibaba sa naturang halaga ang presyo ng diesel upang maging maganda naman ang Pasko ng maliliit na tsuper sa bansa. (Angie dela Cruz)