Kutsero niratrat patay, pedicab driver nadamay
Isang 46-anyos na kutsero ang nasawi, habang sugatan din ang isang pedicab driver makaraang ratratin ng hindi nakikilalang mga lalaki lulan sa isang kotseng walang plaka, kamakalawa ng gabi sa Tondo, Maynila.
Dead-on-arrival sa Gat Andres Bonifacio Hospital ang biktimang si Antonio Marcelino, ng Tondo, Maynila sanhi ng tinamong bala sa katawan habang sugat lamang sa hita ang natamo ni Randy Bildan, 21, pedicab driver, residente ng Banker’s Pier 2, North Harbor, Tondo
Kasalukuyang nagsasagawa ng imbestigasyon ang mga awtoridad sa pagkakakilanlan sa gunman at iba pang kasamang suspect na sakay ng puting kotse at armado ng hindi nabatid na kalibre ng baril. Wala pa ring nakitang motibo sa pamamaril.
Sa ulat ng pulisya, dakong alas-10 ng gabi nang maganap ang pamamaril sa panulukan ng Yangco at Esguerra Sts., Tondo, Maynila.
Nabatid na sumakay ng pedicab na minamaneho ni Bildan si Marcelino matapos makipag-inuman sa Francisco St., at pagsapit sa Esguerra St. ay nadaanan umano ang nag-aabang na mga suspect na nasa loob ng isang nakahimpil na kotseng walang plaka.
Nang makalagpas na ang pedicab, bigla umanong umilaw ang headlights ng nasabing kotse at bumaba ng sasakyan ang isa sa mga suspect at mabilis na nilapitan ang biktima saka pinagbabaril. Nadamay din sa pamamaril ang pedicab driver. (Ludy Bermudo)
- Latest
- Trending