Tatlong hinihinalang holdaper ang nasawi matapos na makipagpalitan ng putok ng baril sa mga tauhan ng pulisya na ikinalat sa Metro Manila bilang bahagi ng ipinapatupad na seguridad sa unang Simbang Gabi, kahapon ng madaling araw sa Quezon City.
Inilarawan ni QCPD-Homicide chief, Supt. Marcelino Pedrozo ang tatlong nasawing suspek na nasa pagitan ng edad na 28-30 anyos. Isa sa mga ito ang may tattoo na “Bahala na Gang” sa likod, kulot, nakasuot ng puting polo shirt at pantalong maong, habang ang isa naman ay may tattoo na “BCJ (Batang City Jail)” sa likod, mahaba ang buhok.
Sa inisyal na ulat ng pulisya, naganap ang shootout dakong alas-2:10 ng madaling-araw sa may Biak-na-Bato St., Brgy. Sto. Domingo, ng naturang lungsod.
Nabatid na sumakay ang mga suspek sa pam pasaherong jeep (PWL-816) na patungong T.M Kalaw na minamaneho ni Gene Dupal, 31, sa kanto ng Araneta at Quezon Avenue. Pagsapit sa tapat ng Sto. Domingo Church, nagdeklara ng holdap ang mga suspek na armado ng kalibre .38 baril at granada.
Inutusan naman ng mga suspek si Dupal na ibaba sila sa may Biak na Bato St. kung saan agad na tumakbo ang mga ito. Mabilis namang nakahingi ng saklolo si Dupal at mga pasahero ng jeep sa nakaistambay na patrol unit sa naturang lugar na nagradyo sa QCPD. Dito naalerto ang mga undercover operatives‚ ng Criminal Investigation and Detection Unit sa pangunguna ni Supt. Antonio Yarra na nagsasagawa ng overt operations para sa seguridad sa unang simbang gabi.
Agad na hinabol ng mga pulis ang mga tumatakas na suspek hanggang sa masukol. Sinabi ng pulisya na una umanong nagpaputok ang mga suspek kung saan gumanti naman ng putok ang mga alagad ng batas na naging dahilan ng pagkasawi ng mga holdaper.
Sinabi ni QCPD Director, Sr. Supt. Magtanggol Gatdula na ang epektibong pagkakalansag sa naturang mga hinihinalang holdaper ay resulta ng seguridad at pagtataas sa full alert status ni NCRPO chief, Director Leopoldo Bataoil sa buong Metro Manila para sa Simbang Gabi‚ na hudyat ng pag-uumpisa ng Pasko sa bansa.