Sinampahan na ng kasong kriminal ng National Bureau of Investigation sa Caloocan City Prosecutors Office ang 13 Sidewalk Clearing Operation Group ng Metro Manila Development Authority na umano’y walang permisong tumangay sa vertical clearance signage ng Light Rail Transit Authority sa Caloocan City noong Hulyo.
Kabilang sa ipinagharap ng kasong robbery sina Fer nando Flores, SCOG-MMDA team leader; Robert Lao at Gil Silos, security back up at 10 helper na sina Rollien Arayata; Gilmar Deloria; Rhoyleen Arro; Alex Inocando; Rico Vico; Richard Ordales; Perfecto Miguel; Mark Davie Magaro; Joven Abanes at Senon Tejada.
Nilinaw ni NBI Special Task Force investigator Atty. Dickson Maraneg na naiberipika nila at ng LRTA civil security office na walang pahintulot o kautusan mula sa MMDA head office na kunin ng grupo ang nasabing signage na dating nakikita sa 5th Avenue, Caloocan City at nagkakahalaga ng P1.7-milyon at pag-aari ng LRTA.
Ito umano ang nagsilbing babala sa mga sasakyan sa pinapahintulutang limitasyon sa taas ng behikulong dadaan sa ilalim ng railway.
Gayunman, sinabi ni Maraneg na noong Hulyo 22, 2008, nagtungo sa naturang lugar ang mga tauhan ng MMDA at tinanggal sa pamamagitan ng acetylene welding machine ang naturang Vertical Clearance Signage nang walang permiso mula sa LRTA. (Ludy Bermudo)