Pambayad sa chit,Ex-Army nangholdap
Dinakip ng mga elemento ng Quezon City Police ang isang dating sundalo at kaibigan nito nang mangholdap sa isang kalapit na beerhouse para meron silang pambayad sa ininuman nilang restoran sa Brgy. Mariano, Quezon City kahapon ng madaling-araw.
Kinilala ni P/Supt. Carlito Feliciano, hepe ng Galas Police Station 11, ang mga suspek na sina Wilson Quinones, 31, dating sundalo ng Philippine Army, at naninirahan sa Sampaloc, Manila; at kasama nitong si Joeffrey Jover, 33, ng Rosales, Pangasinan.
Base sa imbestigasyon ng pulisya, nag-iinuman sa Encounter Beerhouse sina Quinones at Jover at nang magbabayad na sana para umuwi dakong alas-2:30 ng madaling-araw ay kinapos umano sila sa perang pambayad sa bill.
Dahil dito, nagpaalam si Quinones para umano kumuha ng pera sa bahay pero sa halip na umuwi ay nagawang holdapin ang isang kalapit na Japok restaurant/beerhouse at tinangay ang P1,763 kita nito mula sa kaherang si Roneca Acebucehe, 18-anyos.
Agad namang nakarating sa kaalaman ng Galas Police Station ang insidente at sa maagap na pagresponde nina PO3 Jeffrey Flores at PO3 Isagani Campo ay naaresto nila ang dalawang suspek sa Encounter Beerhouse. Si Quinones na nakumpiskahan ng .45 kalibre ng baril, mga bala at P1,763 na tinangay nitong salapi at kasama nitong si Jover ay kapwa sinampahan ng kaukulang kaso sa Quezon City Prosecutor’s Office. (Angie dela Cruz)
- Latest
- Trending