4 naulila ng napatay na sibilyan 'inampon' ng PNP
Tuluyang kinalinga ng National Capital Region Office ang apat na anak ng isa sa mga limang sibilyan na nadamay sa isang enkuwentro ng mga pulis at holdaper sa Parañaque kamakailan.
Sinabi ni NCRPO Chief Director Leopoldo Bataoil na pati pag-aaral ng mga naulilang anak ni Ronald Eusebio, isang empleyado ng Skyway, ay sasagutin ng kaniyang tanggapan hanggang sa makatapos ang mga ito sa kolehiyo.
Kinilala ni Bataoil ang mga anak ng biktima na ngayon ay pawang scholar na sina Angela, 13; Jerome Alfred, 11; Angelo, 6 at Ronaldo, isang-taong gulang.
Napag-alaman kay Bataoil na si Angela ay isasailalim sa kanyang responsibilidad, si Gen. Gatdula naman ng Quezon City Police District para kay Jerome, Gen. Calungsod ng Manila Police District para kay Angelo at Rosales rin ng MPD ang kakalinga naman kay Ronaldo.
Magugunita na si Eusebio ay isa sa limang sibilyan na nadamay sa naganap na enkwentro sa pagitan ng mga operatiba ng pulisya, “Waray-Waray” at Ozamis Robbery syndicate kamakailan sa Sucat, Parañaque.
Una ring napagkamalan si Eusebio na kasamahan ng mga suspek.
Si Eusebio ay nauna nang nilinis ni Philippine National Police-Internal Affairs Service Chief Director Jaime Tagaca na hindi kabilang sa mga suspek.
Base sa ipinalabas na sertipikasyon ng Skyway Corp., ang 39-anyos na si Eusebio ay Asst. Supervisor ng kanilang tanggapan na nauna nang pinagkamalang kabilang sa sampung mga napatay na robbery/holdup gang.
Lumilitaw naman sa imbestigasyon na hinarang ng isa sa mga suspek na dating miyembro ng Army Scout Ranger ang motorsiklo ni Eusebio kung saan umangkas rito ang holdaper na si Charlito Azarcon na armado ng M-203 grenade launcher habang nakikipagbarilan sa tumutugis na mga awtoridad. Ang nasabing insidente ang dahilan kung bakit sinasabi ng PNP na ‘judgement call’ ang naging hakbang ng kanilang mga tauhan.
- Latest
- Trending