.50 rollback sa tricycle sa QC, simula Dec. 15
Epektibo sa Lunes (Disyembre 15), bawas 50 sentimos na rin ang pasahe sa mga tricycle sa Quezon City kasabay ng rollback sa pasahe sa passenger jeepney, bus at taxi. Ang rollback sa pasahe sa mga tricycle sa nabanggit na lungsod ay batay naman sa desisyon na ginawa ng QC Federation of Tricycle Operators and Drivers Association bunsod na rin ng patuloy na pagbaba ng halaga ng gasolina at diesel.
Sinabi ni QC tricycle Federation President Dong Pascual na alinsunod din ito sa isang Memorandum of Agreement (MOA) na pederasyon sa pagitan ng city council at ni Councilor Allan Francisco, committee chairman ng Transportation and Communication. Bunsod nito, mula sa P7.50 minimum pasahe sa tricycle ay magiging P7 na lamang ang pamasahe simula sa Lunes.
Kaugnay nito, sinabi naman ng pederasyon na igigiit naman nila na maibaba ang halaga ng mga spare parts at 2T oil na kanilang ginagamit sa pamamasada upang maibsan ang gastusin sa araw araw na pamamasada.
Ang fare rollback ay ipatutupad matapos aprubahan ang panukala ni Francisco para sa pagpapatupad ng provisional fare rollback sa lahat ng bumibiyaheng tricycle sa QC. Ang sinumang hindi susunod dito ay magbabayad ng P5,000 penalty at may kulong na 6 na buwan. (Angie dela Cruz)
- Latest
- Trending