Tiklo ang dalawang lalaking nagbebenta ng pekeng gold bar nang isailalim sa entrapment operation ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) sa aktong nagbebenta sa isang dating overseas Filipino worker (OFW) sa Malate, Maynila kamakalawa ng hapon.
Nakilala ang mga suspect na sina Danilo Santos, 45; at Rudy Ortega, 38. Inireklamo sila ng biktimang si Teodoro De Castro, 44, ng Taal, Batangas.
Sa ulat ng pulisya, dakong ala-1:30 ng hapon nang dakpin ang supect sa parking area ng Harrison Plaza Commercial Complex, Malate, Manila, kung saan nasamsam ang mga bar ng ginto na inialok sa halagang P4-milyon.
Sa reklamo, una nang nagkaroon ng transaksiyon ang biktima at mga suspect sa Mati, Davao City noong Disyembre 5, 2008, na hindi umano natuloy ang bentahan. Nitong Dis. 8, muling tinawagan ng mga suspect ang biktima at inalok na sa Maynila na sila magbebentahan ng gold bars. Dahil sa pagdududa, ipinagbigay-alam ng biktima sa pulisya ang magiging bilihan upang makasiguro at nang ipasuri ay natuklasang peke na doon na dinakip ang mga suspect. (Edwin Balasa)