Binaril at pinatay ng isang police ang isang vendor habang ito ay nagbibilyar kahapon ng umaga sa Caloocan City.
Dead-on-arrival sa Manila Central University hospital sanhi ng tama bala sa dibdib at tiyan si Filamir Ralar, 40, ng A-179 Bonifacio Market, ng lungsod.
Nadakip naman ang suspek na si PO1 Domingo Ochoa, 36, nakatalaga sa Northern Police District at residente ng #5 LBC bldg., Bonifacio Market.
Ayon sa ulat, dakong alas-9 ng umaga nang maganap ang insidente habang naglalaro ng bilyar ang biktima sa Bonifacio Market nang lapitan ng lasing na suspek.
Sinabihan ng suspek ang biktima na “babarilin kita” at nang sumagot si Ralar na “barilin mo” ay pinagbabaril nga ito ng pulis. Matapos ang insidente ay dinala ang biktima sa MCU habang tumakas ang suspek subalit nadakip ito ng mga nagrespondeng mga pulis habang hindi naman nakuha ang baril na ginamit nito.
Sa pahayag ng mga kaanak ng biktima, nakaalitan ng suspek ang kaibigan ng nasawi na siyang sinasabing dahilan upang pati si Ralar ay pag-initan ni Ochoa.(Lordeth Bonilla)