Makaraang makapagbigay ng P150,000 ransom money pinalaya na kamakalawa ng gabi ang negosyanteng ginang na unang iniulat na dinukot kamakailan ng isang ba bae at isang pulis-QCPD sa Pasay City.
Batay sa imbestigasyon ni SPO1 Leo Labrador, dakong alas-7:30 kamakalawa ng gabi nang dumating sa himpilan ng pulisya ang biktimang si Elizabeth Macatangay, 31, ng Pasay City kasama ang kanyang asawang Pakistani national na si Chaudhny Kharan Aziz, 33, negosyante.
Ayon sa pahayag ng biktima, una umano siyang dinala ng isang pulis sa Masambong Police Station sa Del Monte Ave., Quezon City. Sa pamamagitan ng cellphone, nakausap ng pulis ang kanyang mister at humihingi ng P8 milyon kapalit ng kanyang paglaya pero nagkasundo sila sa halagang P150,000.
Sinabi pa ni Macatangay na walong lalaki bukod pa sa isang babae ang kasama ng pulis nang sapilitan siyang isakay ng mga ito sa isang van saka dinala sa naturang police station at doon pinigil ng dalawang araw habang isinasagawa ng mga una ang pakikipag-negosasyon sa kanyang mister para sa kaniyang paglaya.
Magugunita na ayon sa naunang salaysay ni Aziz sa pulisya, dakong alas-7 ng gabi nitong nakaraang Sabado ay una niyang inihatid ang kanyang misis sa isang sangay ng Jollibee sa Roxas Blvd., Pasay City para makipagkita kay Mary Jane alyas “MJ” upang kunin ang bayad sa pagkakautang ng huli. Makalipas ang ilang minuto ay umalis na umano ang banyaga nang makitang kausap na ang sisingiling babae ng misis.
Mula noon ay hindi na nakauwi pa ang ginang hanggang sa isang nagpakilalang pulis ang tumawag kay Aziz sa telepono at humihingi ito ng salapi kapalit ng kalayaan ng kanyang misis. Kamakalawa ng gabi, tumungo si Aziz sa napag-kasunduang lugar at doon niya iniabot ang salapi na naging dahilan upang kusang pinalaya ng mga suspect ang kanyang misis. (Rose Tamayo-Tesoro)