7 Chinese drug suspects, nakalusot dahil sa teknikalidad
Dismayado ang pamunuan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa pagkakapalaya sa pitong Tsino na pinawalang-sala ng Korte Suprema sa kasong possession of illegal drugs dahil sa pagkabigo ng pulisya na sumunod sa tamang procedures.
Sinabi ni PDEA Director General Sr. Undersecretary Dionisio Santiago Jr. na nakapanghihinayang ang naturang kaso dahil sa alam naman nila na isa talagang sindikato ng iligal na droga ang naturang grupo at matagal ang panahon na ginugol sa korte nito na magreresulta lamang sa pagpapalaya sa mga akusado.
“Siyempre nakakalungkot alam naman natin na sa procedure lang natalo. But it is a good lesson sa ating mga law enforcement people na palakasin at sundin ang tamang protocol para hindi masayang ang mga operasyon at mga isinasampang kaso”, ayon kay Santiago sa panayam ng PSN.
Sa anim na pahinang desisyon ng 2nd Division ng Korte Suprema, pinawalang-sala nito sina Cai Xihe alyas Chua Sak Hap, Tian Sang, Cai Dushi alyas Chua Tok Sit, Yan Oizhong alyas Sing Hong, Lao Chi Diak alyas Chi Jak, King Cheng at Lim Chamou alyas Cha Bon.
Sinabi ng korte na ni labag ng mga tauhan ng PNP-Anti Narcotics Division ang protocol noong Enero 28, 2002 sa pag-aresto sa mga Tsino na nag-ooperate umano ng shabu laboratory sa San Juan City. Itinanggi naman ito ng mga akusado at sinabing frame-up lamang umano ang mga akusasyon laban sa kanila. (Danilo Garcia)
- Latest
- Trending