200 kilo ng imported na kalabaw, nasamsam
Umaabot sa may 200 kilo ng karne ng imported na kalabaw o Indian buffalo ang nakumpiska ng Quezon City Police District (QCPD) at National Meat Inspection Service (NMIS) kahapon sa Commonwealth Public Market, ng naturang lungsod.
Sinalakay ng Task Force Bantay Karne ng NMIS katulong ang mga tauhan ng QCPD-Station 6 ang ilang puwesto sa naturang palengke matapos na makatanggap ng sumbong ukol sa pagbabagsak ng iligal na karne na walang sapat na mga dokumento.
Wala namang naaresto ang mga tauhan ng pulisya at ang NMIS sa naturang operasyon.Sinabi ni TF Bantay Karne chief, Orlando Marquez na aalamin nila kung sino ang importer o negosyante na nagbagsak ng naturang karne na mahaharap sa pagkakansela ng kanyang business license.
Isasailalim naman sa pagsusuri ang nakumpiskang mga karne at kung mapapatunayang ligtas ay kanilang gagawing donasyon na lamang sa mga charitable institutions. (Danilo Garcia)
- Latest
- Trending