Walang caravan sa Maynila sa pagdating ni Manny Pacquiao
Bagama’t walang caravan sa kanyang pagdating sa Maynila, pupunuin naman ng city government ng mga banner at streamers ang mga kalsada na posibleng dadaanan ng Filipino Boxing icon Manny “Pacman” Pacquiao pagdating nito sa bansa ngayon umaga.
Ito ang nabatid kahapon sa Media Information Bureau (MIB) ni Manila Mayor Alfredo Lim, bilang bahagi ng pagkilala ng Lungsod ng Maynila sa panibagong karangalan ibinigay sa bansa ni Pacquiao, matapos nitong talunin si Mexican boxer Oscar “Golden Boy” De la Hoya.
Nalaman na inatasan ng alkalde ang City Engineering Office na lagyan ng mga banners ang mga kalsada na posibleng daanan ni Pacquiao, kabilang na ang kahabaan ng Roxas Boulevard, Luneta, Taft Avenue, Quiapo, Plaza Miranda, hanggang sa España. Maliban sa mga ilalagay na banner sa mga pangunahing lansangan sa Maynila,wala namang iba pang naka schedule na aktibidad sa pagdating ni Pacquiao.
Hindi rin umano magsasagawa ng courtesy visit si Pacquiao sa opisina ng alkalde na naging tradisyunal na ginagawa ng boksingero kapag umuwi sa bansa matapos manalo sa kanyang mga nakalaban noong panahon ng dating administrasyon ni dating Manila Mayor Lito Atienza. Kadalasan itong dumidiretso sa tanggapan ni Atienza sa DENR. (Doris Franche)
- Latest
- Trending