Ginang na trader patay sa ambush
Nagka-gutay-gutay sa tama ng bala sa katawan ang isang negosyanteng ginang makaraang tambangan ito at pagbabarilin ng dalawang hinihinalang mga miyembro ng “riding in tandem gang”, kamakalawa ng gabi sa Caloocan City.
Kinilala ng pulisya ang biktima na si Cristeta Sahagun, 37, ng Diamond Road, Kaybiga ng nabanggit na lungsod.
Batay sa ulat ng pulisya, dakong alas-8:30 ng gabi nang maganap ang insidente malapit sa bahay ng ginang sa Diamond Road , Kaybiga, Caloocan City.
Nabatid na kasalukuyang naglalakad ang biktima sa naturang lugar kasama si Angelica Angeles, 17 at pauwi na sana ito sa kanilang tahanan nang bigla na lamang silang salubungin ng dalawang suspect na pawang sakay ng isang motorsiklo.
Dito, walang sabi-sabing pinaulanan ng bala ng mga suspect ang nabiglang biktima na agad namang tinamaan sa iba’t ibang bahagi ng katawan hanggang sa duguan itong humandusay bago mabilis na nagsitakas ang mga salarin sakay ng kanilang motorsiklo na hindi na nakuhanan pa ng plaka.
Mabilis namang humingi ng tulong ang kasamang dalagita ng biktima sa isang malapit na paradahan ng tricycle at dito agarang isinugod ang gi nang sa ospital subalit sa daan pa lamang ay nalagutan na ito ng hininga.
Kasalukuyan na ngayong nagsasagawa ng masusing imbestigasyon ang pulisya hinggil sa insidente at inaalam na rin ang pagkakakilanlan ng dalawang suspect pati na motibo ng mga ito sa pamamaslang sa biktima. (Rose Tamayo-Tesoro)
- Latest
- Trending