Patay agad ang dalawang hinihinalang mga miyembro ng “Waray-Waray Gang” at Ozamis Holdup and Robbery syndicate, habang nakatakas naman ang tatlong kasamahan ng mga ito makaraan ang ilang minutong pakikipagpalitan ng putok ng grupo ng mga una laban sa mga operatiba ng pulisya, kahapon ng madaling-araw sa Caloocan City.
Ayon kay National Capital Region Police Office (NCRPO) chief Dir. Leopoldo Bataoil na kumbinsido siya na “remnants” nga ng mga tinutugis na suspect sa naganap na Parañaque shootout ang mga napaslang na suspect na wala pa ring pagkakakilanlan habang isinusulat ang balitang ito kahapon ng umaga. Ang mga nasawi ay sinasabing sangkot rin sa naganap kamakailan na armoured van robbery sa Navotas Fish Port.
Ayon pa kay Bataoil na nag-ugat ang engkuwentro at pagkakapaslang sa mga suspect makaraang unang matunugan ng magkakasanib na puwersa ng PNP-CIDG, PNP-Caloocan at ng Intelligence Service of the Armed Forces of the Philippines (ISAFP) ang mga suspect sa umano’y pinagtataguang safehouse ng mga ito sa Antipolo City.
Mula sa nabanggit na lugar ay tinugaygayan ng operatiba ang mga suspect at pagsapit ng mga huli sa Brgy. 160 ng Caloocan City ay nakahalata ang mga ito na sinusun dan sila ng mga una kung kaya’t nagpaputok na ang mga ito na naging dahilan upang magkaroon ng palitan ng putok sa pagitan ng magkabilang panig kung saan ilang sandali pa ay bumulagta na ang dalawang suspects.
Naganap ang insidente dakong alas-2:30 ng madaling-araw sa Libis Bukid, Brgy. 160, Baesa, Caloocan City.
Batay na rin sa ulat, ang mga suspect ay kasalukuyang lulan ng tinangay nilang sasakyan na kulay metallic blue Honda Accord at may plakang ZAF-349 nang makasagupa ng mga ito ang operatiba.
Narekober naman ng operatiba sa pinangyarihan ng insidente ang isang Armalite rifle, isang .45 kalibre ng baril, mga basyo ng bala mula sa iba’t ibang klase ng baril ng mga suspect at dalawang mga plaka ng sasakyan.