7 pang holdup suspek sa Parañaque shootout tiklo

Naaresto na ng pu­lisya kamakalawa ng gabi ang pito sa pinag­hihinalaang mga miyem­bro ng Waray-Waray Gang at Ozamis Robbery Holdup Syndicate na naunang nakatakas ma­karaan ang mahigit sa kalahating oras na paki­kipagsagupaan ng mga ito sa mga awtoridad noong Biyernes ng gabi sa Parañaque City na ikinasawi ng 16 katao.

Ayon kay National Capital Region Police Office­ Chief Director Leo­poldo Bataoil, ang mga naarestong suspek ay nadakip sa isinagawang follow-up operation ng pu­­lisya sa Bacoor, Cavite.

Malaki naman ang paniniwala ni Bataoil na hindi dapat tantanan ang pagtugis sa iba pang mga suspek na pinaniniwa­laang pawang mga orga­ni­sadong sindikato na sangkot sa mga holda­pan sa Kalakhang May­nila at mga karatig-lala­wigan.

Magugunita na da­kong alas-8:30 noong Bi­yernes ng gabi ay nag­kabarilan ang mga sus­pek at ang Highway Patrol Group, NCRPO at Special Weapons and Tactics ng pulisya sa Pa­rañaque City na ikana­sawi ng 16 katao.

Sa bisa ng warrant of arrest na ipi­nalabas ni Hon. Judge Eduardo Tan­guanco ng Bacoor, Cavite Regional Trial Court, sinalakay ng pulisya ang pinagkuku­taan ng mga suspek sa Baran­gay Ta­laba 2, Bacoor.

Batay sa ulat na naka­rating sa Camp Crame, dakong alas-8:00 ng umaga nang maaresto sina Ariel Bundaon Sr., Ariel Bundaon Jr., John­bert Bundaon, Leo Barrios Rico Mamis, Ro­lando Osorio, Jick Cas­tro, Richard Adilan at Ramir Labandero.

Nakumpiska kina Bun­daon ang mga armas tulad ng kalibre 38, isang kalibre 357 magnum, isang shotgun, mga bala, mga police uniforms at apat na cellphones na hini­hinalang gamit ng mga ito sa kanilang mga illegal na operations.

Show comments