7 pang holdup suspek sa Parañaque shootout tiklo
Naaresto na ng pulisya kamakalawa ng gabi ang pito sa pinaghihinalaang mga miyembro ng Waray-Waray Gang at Ozamis Robbery Holdup Syndicate na naunang nakatakas makaraan ang mahigit sa kalahating oras na pakikipagsagupaan ng mga ito sa mga awtoridad noong Biyernes ng gabi sa Parañaque City na ikinasawi ng 16 katao.
Ayon kay National Capital Region Police Office Chief Director Leopoldo Bataoil, ang mga naarestong suspek ay nadakip sa isinagawang follow-up operation ng pulisya sa Bacoor, Cavite.
Malaki naman ang paniniwala ni Bataoil na hindi dapat tantanan ang pagtugis sa iba pang mga suspek na pinaniniwalaang pawang mga organisadong sindikato na sangkot sa mga holdapan sa Kalakhang Maynila at mga karatig-lalawigan.
Magugunita na dakong alas-8:30 noong Biyernes ng gabi ay nagkabarilan ang mga suspek at ang Highway Patrol Group, NCRPO at Special Weapons and Tactics ng pulisya sa Parañaque City na ikanasawi ng 16 katao.
Sa bisa ng warrant of arrest na ipinalabas ni Hon. Judge Eduardo Tanguanco ng Bacoor, Cavite Regional Trial Court, sinalakay ng pulisya ang pinagkukutaan ng mga suspek sa Barangay Talaba 2, Bacoor.
Batay sa ulat na nakarating sa Camp Crame, dakong alas-8:00 ng umaga nang maaresto sina Ariel Bundaon Sr., Ariel Bundaon Jr., Johnbert Bundaon, Leo Barrios Rico Mamis, Rolando Osorio, Jick Castro, Richard Adilan at Ramir Labandero.
Nakumpiska kina Bundaon ang mga armas tulad ng kalibre 38, isang kalibre 357 magnum, isang shotgun, mga bala, mga police uniforms at apat na cellphones na hinihinalang gamit ng mga ito sa kanilang mga illegal na operations.
- Latest
- Trending