Patay ang isang pulis makaraang barilin ng isang sekyu matapos ang mainitang pagtatalo kamakalawa ng gabi sa isang bus terminal sa Quezon City.
Kinilala ng pulisya ang biktima na si SPO2 Alberto Tamayo, nakatalaga sa Quezon City Police District-Anonas Police Station 9 habang pinaghahanap naman ng pulisya ang tumakas na suspek na si Normal Balayo, security guard ng Starline Security Agency at nakatalaga sa Araneta Bus Terminal.
Isang tama ng bala sa ulo ang naging dahilan nang pagkasawi ng biktimang parak.
Base sa imbestigasyon ni PO3 Joseph Madrid, may hawak ng kaso, dakong alas-7 ng gabi nang maganap ang insidente sa tapat ng Raymond Transport Ticketing sa Araneta Center Cubao, Quezon City.
Bibili sana ang biktima ng load sa kanyang cellphone sa loob ng Araneta bus terminal nang sitahin ni Balayo at ayaw papasukin sa naturang lugar.
Sa puntong ito, nagkaroon ng mainitang pagtatalo ang dalawa at ilang saglit pa ay basta na lamang binaril ni Balayo sa ulo ang pulis dahilan upang agad itong bumulagta.
Makaraan ang insidente, agad ibinigay ni Balayo ang kanyang fatal weapon na .38 kalibre na baril sa kabaro na si Reynaldo Molina at mabilis na lumabas ng terminal saka tumakas
Ang kasong ito ay patuloy na iniimbestigahan ng pulisya. (Angie dela Cruz)