Ratratan sa Parañaque: 16 patay
Labing-anim katao ang kumpirmadong patay sa naganap na madugong sagupaan o palitan ng putok sa pagitan ng “Waray-Waray Robbery Gang”, Ozamis Holdup and Robbery syndicate at ng Highway Patrol Group (HPG), mga miyembro ng National Capital Region Office (NCRPO) at Special Weapons and Tactics (SWAT) ng pulisya, kamakalawa ng gabi sa Parañaque City.
Sa ulat ng pulisya, dakong alas-8:30 ng gabi nang magsimula ang palitan ng putok sa pagitan ng magkabilang panig sa West Service Road malapit sa United Parañaque Subd. 4 ng nabanggit na lungsod.
Batay sa ulat ni P/Insp. Glenn Tigson, hepe ng Station Investigation & Detective Management Section, unang nagkaroon ng mahabang habulan sa subdivision dahilan upang madamay ang ilang mga sibilyan.
Sampung kalalakihan na pawang mga miyembro naman ng Waray-Waray at Ozamis group, isang pulis at limang sibilyan na kinabibilangan ng 7-anyos na bata ang agad na nasawi sa mahigit kalahating oras na sagupaan ng mga suspect at ng mga operatiba.
Lumalabas din sa pagsisiyasat na ang sampung napatay na mga suspect ay pawang mga responsable sa madugong armored car robbery na naganap nitong nakalipas na buwan.
Ayon pa sa pulisya, maging ang estilo at kagamitan ng mga suspect ay halos kahalintulad ng mga unang ginamit sa UP Diliman Campus armoured van robbery, pagpasok sa ilang mga banko, malls at iba pang mga insidente ng panloloob.
Nabatid na bago ang naganap na enkwentro ay unang nakatanggap ang mga awtoridad hinggil sa umano’y posibleng pag-atake muli ng nasabing mga grupo sa Southern Transport bus company sa nabanggit na lungsod.
Naagapan naman ang posibleng pag-atake ng mga holdaper subalit nauwi ito sa madugong enkwentro.
Sa paunang ulat, dalawa naman sa mga nasawing sibilyan ay kinabibilangan ng mag-amang sina Alfonso de Vera, 53, ang anak nitong si Alyanna, 7, ang nadamay at napatay makaraang unang napagkamalan umanong gamit bilang get-away vehicle ng mga suspect ang kanilang sinasakyang Isuzu Crosswind na may plakang XEW-327.
Napatay din sa engkwentro ang pulis na kinilalang si PO1 Nixon Benasoy nakatalaga sa Special Action Force (SAF) at isang truck helper.
Sa panig ng mga suspect, kinilala ang mga napatay na suspects na sina Ronel Campos na sinasabing dating miyembro ng Special Action Force (SAF) ng PNP, Avelino Abayo, Rey Olarte, Ricarte Chavez, Baltazar Decuria Jr., Camilo Pastrana, Dennis Bassig, Danilo Tranca at dalawang hindi pa kilalang mga kasamahan ng mga ito.
Kritikal naman sa pagamutan habang isinusulat ang balitang ito kahapon ng umaga si HPG Special Operations Division team leader P/SSupt. Eleuterio Gutierrez Jr. makaraang masapol ito ng bala sa ulo mula sa mga suspect.
Kabilang din sa mga nasugatan ang isang barangay tanod, isang security guard na pawang tinamaan ng mga ligaw na bala habang nagaganap ang enkwentro.
Sa panayam naman ng PSN/PM kay NCRPO chief Dir. Leopoldo Bataoil na hanggang sa kasalukuyan ay patuloy pa rin ang isinasagawang pagtugis ng pulisya sa mga nakatakas na suspect lulan ng kinumander nilang get-away vehicle na isang kulay itim na Toyota Vios Sedan na may plakang XTG-256.
Ayon pa kay Bataoil, hindi umano naiwasang madamay ang ilang sibilyan sa naganap na insidente lalo pa’t lahat umano ng mga nakasalubong ng mga suspect nang mangyari ang enkwentro ay kanilang pinagbabaril pati na ang mga flammable tanks na kanilang nadaanan.
Sa kabila nito, nangako naman si Bataoil na isang masusing imbestigasyon ang isasagawa ng pulisya upang alamin kung may dapat ngang managot sa mga operatiba sa pagkakadamay ng mga sibilyan.
Narekober naman sa mga nasawing suspect ang mga high-powered firearms na kinabibilangan ng mga M-203 grenade launcher, M-16 rifles, mga cal-.45 pistols, mga bullet-proof vest at suot nilang mga uniporme ng (SWAT).
- Latest
- Trending