Arestado ang dalawa sa anim na suspek na kabilang sa Utol-Gapos Gang na bumiktima sa mga negosyanteng intsik makaraang magsagawa ng follow-up operation ang pulisya sa San Juan City.
Kinilala ni Police Supt. Procopio G. Lipana, hepe ng San Juan PNP ang mga suspek na sina George Aguam, 38, biyudo, tubong-Occidental Mindoro at Henry Tavares, 37-, tubong Albay at kapwa kabilang sa sindikatong “Utol Gang” Robbery Gapos na sumasalakay sa Metro Manila.
Sa ulat, dakong alas-4:30 ng madaling-araw nang maaresto ang mga suspek sa may Circumferential Road, Antipolo City.
Nabatid na nagsagawa ng follow-up operation ang pulisya sa drayber ng taxi na ginamit na get away vehicle ng mga suspek sa may paradahan ng Golden Boy Taxi Co. na matatagpuan sa Tanglaw St., Mandaluyong City na kung saan naaresto ang suspek na si Aguam.
Matapos ang isinagawang interogasyon kay Aguam ay sunod na naaresto ang ikalawang suspek na si Tavares na nakuhanan ng kalibre .45 baril na may limang bala at hinihinalang ginamit sa krimen.
Magugunita na noong Disyembre 1 ay pinasok ng mga suspek ang bahay ng Chinese businessman na si Nestor Chua, 53-anyos, kung saan iginapos siya at kanyang anak at dalawang kasambahay ng mga suspect bago kinulimbat ang kanilang mga gamit.
Pinaghahanap na ng pulisya ang apat pang kasama ng dalawang nadakip na suspek. (Edwin Balasa)