Patay ang isang 23-anyos na lalaking balikbayan makaraang ma-sandwich ng dalawang trak ang sinasakyan nitong taxi na malubhang ikinasugat din ng drayber nito kamakalawa ng gabi sa kahabaan ng EDSA, Mandaluyong City.
Patay na nang makuha sa loob ng wasak na taxi ang biktimang si Josel Laquindong, balikbayan at nanunuluyan sa Macabebe, Pampanga, habang ginagamot naman sa Mandaluyong Medical Center ang drayber ng P-YAT taxi na nakilalang si Manuel Enriquez 54.
Sa ulat, naganap ang insidente dakong alas-11 ng gabi habang tinatahak ng nasabing taxi na may plate number na ZVX-834 ang northbound lane ng underpass ng EDSA, Crossing ng lungsod na ito na pinagigitnaan ng dalawang trak.
Nawalan umano ng preno ang sumusunod na trak na may plakang LWB-168 na minamaneho ng suspek na si Luisito Manio kaya bumangga ito sa likurang bahagi ng taxi.
Dahil sa bilis ng takbo ng trak ay nakaladkad pa nito ng ilang metro ang taxi hanggang sa bumangga sila sa isa namang ten-wheeler trak na may palakang UEZ-593 na nauuna sa kanila. Dahil sa lakas ng pagkakabangga ay parang piniping lata ang nasabing taxi at pumailalim pa ang unahang bahagi nito sa nauunang trak.
Mabilis namang rumesponde ang mga tauhan ng Metro Manila Development Authority (MMDA) at agad naisugod ang drayber sa nasabing pagamutan subalit ang balikbayang biktima ay agarang namatay dahil sa tindi ng pinsalang inabot matapos maipit ang katawan sa likod ng taxi.
Kinailangan pang baklasin ng mga tauhan ng MMDA ang mga parte ng taxi at inabot ng mahigit dalawang oras bago makuha ang bangkay ni Liquindong. Nagsasagawa na ng ma susing imbestigasyon ang pulisya para masampahan ng kaso ang mga responsible sa nasabing insidente. (Edwin Balasa)