Naging masikip ang daloy ng trapiko kahapon sa lugar ng China Town, matapos na bumagsak ang tatlong poste na kinabibilangan ng poste ng Manila Electric company (MERALCO) at dalawang poste ng Philippine Long Distance Telephone (PLDT) nang banggain ng isang 40-foot container van sa Binondo, Manila, kamakalawa ng gabi. Kabilang din sa mga napinsalang sasakyan ang ambulansiya ng Chinese volunteers rescue unit (SET-289) at dalawang fire truck na may plakang RDA-976 at CDY-749, na naka-park sa lugar.
Batay sa ulat ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) sa Manila City Hall, ang truck na (REE-732) na pag-aari ng Cirbed Freight and Brokerage Company at minamaneho ni Renato Balisi ay nabalahaw sa lugar hanggang kahapon ng umaga sa kalye ng Quintin Paredes at Ongpin sa Binondo, dahilan para maging mabigat ang daloy ng trapiko sa lugar.
Bagamat walang nasaktan sa naganap na pagbagsak ng mga poste, dakong alas-11 ng gabi pansamantalang pinutol ang daloy ng kuryente sa lugar. Sanhi nito nagkaroon ng re-routing sa daloy ng trapiko sa mga pampublikong sasakyan sa Jones Bridge, na direktang pinadaan sa Escolta,habang ang mga papunta sa Jose Abad Santos Street ay pinadaan sa Juan Luna Street.
Nasa kustodiya ngayon ng MTPB si Balisi at sinampahan ng ilang kaso ng reckless imprudence resulting in damage to property. (Doris Franche)