Muling umapela ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa mga hukom at piskal sa mga korte sa bansa na pabilisin ang takbo ng mga kaso ukol sa iligal na droga partikular na ang mga dayuhang drug lords na kanilang nadakip.
Ito’y matapos na magpahayag ng pagkadismaya si PDEA Director General Dionisio Santiago Jr. sa bagal ng resolusyon sa mga drug cases na kanilang isinampa sa mga korte at napakababang bilang ng mga napapatunayang nagkasala at naparurusahan.
Sa datos ng PDEA, 21% lamang sa 99,434 kaso na kanilang isinampa sa mga korte ang naresolba na habang ang iba ay patuloy pa ring nakabinbin. Mas masama pa dito na sa 21% naresolba, 14% nito ay nauwi sa dismissal o pagkakawalang-sala ng mga akusado. Hindi naman matanggap ni Santiago na doble ang bilang ng mga nadi-dismiss na kaso kaysa sa mga napapatunayang nagkasala.
Pinaalala ni Santiago sa mga hukom at mga piskal ang malaking papel na kanilang ginagampanan sa paglaban sa iligal na droga.
Kung mas marami ang guilty verdict na maipapalabas ng mga korte, magiging malaking mensahe ito sa mga sindikato na seryoso ang pamahalaan sa paglilinis sa bansa sa iligal na droga. (Danilo Garcia)