60 'askal' nasagip ng QCPD at animal group
May 60 askal (asong kalye) ang nasagip ng mga awto ridad bago pa man ito dalhin at katayin sa Baguio City kahapon ng madaling- araw.
Kasabay nito naaresto ng QCPD-Anti Carnapping Unit sa pangunguna ni P/Insp. Angelo Nicolas sina Ernesto Zabata, 44, driver, ng Pulo dela Paz, Biñan, Laguna at Jayson Ortega, 30, San Roque, San Pedro, Laguna matapos masita ang dala nilang mga aso.
Ayon sa ulat, humingi ng tulong kay Insp. Nicolas ang Network for Animals sa pangunguna ni Mel Alipio ukol sa natunugan nilang transportasyon ng mga aso. Dakong alas-3 ng madaling-araw nang masabat ng pulisya-ang isang Mitsubishi L-300 (WLT-732) na punung-puno ng mga asong kalye na patung-patong sa loob ng sasakyan, nakatali ang mga paa at bunganga.
Nabatid sa interogasyon sa mga suspek na galing sa Cavite ang naturang mga aso at ibibiyahe nila sa Baguio City upang ibenta sa mga restoran.
Umaabot na sa higit 300 aso ang nasasagip ng QCPD at Network for Animals mula nitong buwan ng Nobyembre. Pinakahuli ang pagkakasagip sa 100 aso nitong Nobyembre 25 kung saan ibebenta ang mga ito sa Balintawak Market.
Dadalhin naman ang naturang mga aso sa punong tanggapan ng Network for Animals sa Maynila kung saan gagamutin, aalagaan at hahanapan ng posibleng amo ang naturang mga aso. (Danilo Garcia)
- Latest
- Trending