Simula sa Enero ng susunod na taon, mag iisyu na ng resibo ang lahat ng taxi units para sa kanilang mga pasahero sa buong bansa.
Ayon kay Land Transportation Franchising Regulatory Board (LTFRB) Chairman Thompson Lantion, ang paglalagay ng makina ng mga taxi operators para sa issuance ng resibo ay gagawin ng mga ito oras na magpaselyo ng kanilang metro.
Ang proyektong ito anya ng ahensya kasama ang Department of Trade and Industry (DTI) at Bureau of Internal Revenue (BIR) ay layuning maitama ang buwis na naibabayad sa pamahalaan ng mga taxi operators sa buong bansa.
Sa pamamagitan anya ng mga naisyung resibo sa mga pasahero, madali nang malalaman kung magkanong halaga ng buwis ang dapat ipapataw sa mga taxi operators.
Nilinaw naman ni Lantion na wala naman anyang dagdag na bayarin sa taxi kahit na gamit na nito ang receipt machine.
Hinikayat din nito ang mga taxi riders na kailagang humingi ng resibo sa driver ng taxi upang makatulong sa pagkolekta ng buwis ang pamahalaan.
Tanging mga authorize lamang ng BIR at DTI ang mga kompanyang maaaring magamit na makina na ikakabit sa issuance ng resibo. (Angie dela Cruz)