Patay ang mag-ina makaraang looban at pagsasaksakin ng mga hinihinalang miyembro ng “Gapos Gang”, kahapon ng madaling-araw sa Parañaque City.
Batay sa ulat ng pulisya, pasado ala-1 ng madaling-araw nang matagpuan ang bangkay ni Milagros Garduque at anak nito na si Yuichi, 8-anyos sa loob ng kanilang bahay sa Road 9, United Parañaque Subd., Isidro Village ng nabanggit na lungsod.
Ang ginang ay natagpuan sa loob ng stockroom sa unang palapag ng kanilang bahay na may mga saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan, nakagapos ang mga kamay at nakabigti ang leeg gamit ang isang tela.
Ang anak naman nito ay natagpuang may tali ng pulang kurdon ng electric fan sa leeg, may mga sugat sa mukha na palatandaan na pinalo ng matigas na bagay, habang nakagapos din ang mga kamay na nakasubsob sa kanyang kama sa ikalawang palapag ng kanilang bahay.
Nabatid na bago nadiskubre ang bangkay ng mag-ina, unang nagpadala ng mga text messages at tawag sa ginang ang kinakasama nitong si PO3 Glen Adonguarin hanggang sa mag-alala ang huli nang hindi sinasagot ng una ang mga mensahe at tawag nito.
Dahil sa labis na pag-alala, agad na tinawagan ni PO3 Adonguarin ang kanyang pinsan na si PO1 Kim Taganas na nakatalaga sa Las Piñas City Police Station.
Ang dalawa ay agad namang nakipag-ugnayan sa Police Community Precinct 4 ng Parañaque Police at agad nilang pinuntahan ang bahay ng mga biktima.
Nang katukin ang pintuan at walang sumasagot sa loob ng bahay ay napilitan na ang mga imbestigador na pasukin ang tahanan ng mag-ina at dito natuklasan ang kalunus-lunos na sinapit ng mga huli.
Batay naman sa isinagawang pagsisiyasat ni PO2 Johnny Margate, may hawak ng kaso, pagnanakaw ang motibo sa naganap na pamamaslang sa mga biktima dahil magulo ang buong kapaligiran at hinalungkat ang mga kabinet at nawawala rin ang mahahalagang kagamitan at salapi sa loob ng bahay.
May posibilidad din na pinatay ang mag-ina upang maikubli ang mapagkakakilanlan ng mga suspect.
Samantala, habang isinusulat ang balitang ito, kahapon ng umaga ay patuloy pa ring pinaghahanap ang kasambahay na lalaki ng mga biktima na hindi muna pinapangalanan upang alamin kung may kinalaman ito sa nasabing krimen.