Nadakip kahapon ng mga tauhan ng Quezon City Police District ang taxi driver na kumaladkad at nanakit sa isang babaeng estudyante na naging pasahero nito kamakailan.
Positibong itinuro ng biktimang estudyante ng University of Santo Tomas ang suspek na si Primitivo Sarmiento na siyang driver ng sinakyan niyang taxi noong madaling-araw ng Nobyembre 22.
Sinabi ni Supt. Antonio Yarra ng QCPD-Criminal Investigation and Detection Unit na naaresto si Sarmiento habang ipinaparada nito ang taxi sa garahe ng operator nito sa Brgy. Ugong, Valenzuela City kahapon ng umaga.
Mariing pinabulaanan ni Sarmiento ang akusasyon sa pagsasabing hindi niya sinasadya ang pangyayari at hindi niya alam na nasa loob pa ng taxi ang isang bahagi ng katawan ng biktima nang paandarin niya ang sa sakyan.
Inireklamo ng estudyante na pagdating niya sa kanilang bahay sa Sta. Mesa Heights, Quezon City pagkagaling sa UST lulan ng naturang taxi, iniabot niya kay Sarmiento ang isang buong P1,000 para ma bayaran niya ang pasahe rito.
Pero nagtalo ang estudyante at si Sarmiento nang humingi ang una ng sukli. Iginiit ng driver na P60 lang ang ibinigay sa kanya ng biktima pero ipinipilit ng huli na P1,000 ang iniabot nito sa suspek.
Nang tumawag ng tulong ang ina ng biktima dahil hindi pa bumababa sa sasakyan ang kanyang anak, pinaandar ni Sarmiento ang taxi kahit nasa loob pa nito ang biktima. Pagdating sa Retiro St., binuksan ng biktima ang pinto ng taxi at nagtangkang tumalon pero hinawakan ng driver ang kanyang braso kahit nasa labas na ang kalahati ng kanyang katawan. Pinawalan kinalaunan ng driver ang biktima na dahilan para ito mahulog sa kalsada. (Reinir Padua)