Kinasuhan ng “estafa” ng isang negosyante sa Ombudsman ang isang mataas na opisyal ng Bureau of Jail Management and Penology makaraang hindi umano magbayad ng malaking halaga ng salapi.
Sa dokumentong ipinarating sa Department of Interior and Local Government Press Corps, inireklamo ni Hernani Hollero, ng Project 6, Quezon City si dating Quezon City Jail warden Supt. Teofilo Labating Jr. dahil sa hindi pagbabayad ng kabuuang halagang P280,000.
Sa salaysay ni Hollero, nagsu-suplay siya ng inuming tubig sa QC Jail kaya niya nakilala si Labating. Unang umutang sa kanya ang opisyal ng P800,000 kung saan agad naman nitong binayaran ang halagang P600,000.
Nagbigay naman ng “promissory note” si Labating na magbabayad ng natitirang utang na P200,000 at interes na P80,000 bago matapos ang Agosto 16 ng kasalukuyang taon.
Subalit hindi umano natupad ang pangako at mistulang nagtatago na umano si Labating nang hindi na makipag-usap sa kanya maging sa telepono. (Danilo Garcia)