Sanhi ng kalanguan sa alak ay malamang na hindi na matutuloy sa pagiging pulis ng isang graduating student ng kursong criminology matapos itong magyabang at barilin ang kanyang kainuman kamakalawa ng gabi sa Caloocan City.
Nakakulong ngayon ang suspek na ni Manuel Dacillo Jr., 21, ng #1545 Santan St., Ana A, Brgy. 175, Camarin ng nabanggit na lungsod at nahaharap sa kasong frustrated murder at kasong paglabag sa illegal possession of firearm.
Masuwerte namang hindi man lang nagalusan ang biktima na kinilalang si Elias Real, 42, welder at residente ng Doña Ana Extension, Bicol Area 2, Brgy. 175, Camarin.
Sa ulat ni PO1 Rhostom Ocampo, may hawak ng kaso, naganap ang insidente dakong alas-9 ng gabi sa harap ng bahay ng biktima habang masarap na nag-iinuman ang mga ito kasama ang isang kaibigan.
Sa kasarapan ng kanilang inuman ay bigla na lamang nagkasagutan ang biktima at ang suspek dahil sa pagyayabang nito sa kanyang natapos na kursong criminology at ang nalalapit na pagiging pulis nito.
Dito ay bigla na lamang nagsiklab ang galit ng suspek na si Dacillo at binunot ang dalang kalibre .38 baril at walang sabi-sabing ipinutok sa harap ni Real na dahil na rin sa sobrang kalasingan ay hindi ito tumama.
Dahilan nito ay nagpambuno ang dalawa sa pag-aagawan sa baril at sa tulong ng isang kaibigang si Arthur Birara ay agad na naaresto ang lasing na suspek at makuha dito ang armas na ginamit. (Lordeth Bonilla)