Personal na binalaan ni Manila Mayor Alfredo S. Lim na hindi na maari pang tulungan ang mga drug dependent na babalik muli sa kanilang mga bisyo.
Ang ultimatum ay ipinahayag ni Lim nang dalawin nito kahapon ang drug dependents na kasalukuyang kinakalinga ng Manila Treatment and Rehabilitation Center na nasa loob ng Manila North Cemetery.
Inatasan ng alkalde si officer-in-charge Dr. Enrique Samonte na idiskuwalipika ang sinumang ga-graduate o gagaling na sa rehab center sa oras na ito ay babalik sa pagdo-droga. Mas mabuti aniyang, tuloy-tuloy na ang pagbabago upang makapagsimula uli ng normal na buhay upang umasenso.
Nabatid na dalawa sa natitirang limang inmates ng rehab center ang nakatakda nang pakawalan ngayong Disyembre matapos makitaan ng malusog na pangangatawan at tamang kondisyon ng utak.
Nabatid na orihinal na bilang ng binuhay na rehab center sa pag-upo ni Lim ay labing-apat na kinabilangan umano ng 12 lalaki at dalawang babae na may edad 14 hanggang 30 anyos.
Nilinaw ni Lim sa mga inmates ng rehab na kahit sila ay makalaya na, patuloy silang imomonitor ng Manila Social Welfare and Development at Manila Health Department sa pamamagitan ng pagbisita sa kanilang bahay at panayam sa mga kakilala at kapitbahay. Kailangan din silang regular na suriin ng mga psychologist at nurses para sa follow-up treatment. (Ludy Bermudo)