Kinursunada, grinipuhan
Isang 36-anyos na kawani ng isang fast food chain ang nasawi at patay din ang isa sa tatlong lalaking nangursunada dito matapos makipagpambuno ang biktima sa mga suspek kahapon sa Paranaque City.
Nakapagbigay pa ng kanyang post mortem statement sa mga nurse ng Parañaque Doctors Hospital ang biktimang si Willie Jardo Ruaza, residente ng NCM Kaliwa, Brgy Doña Soledad Ext., sa naturang lungsod nang maisalaysay ang nangyaring insidente bago tuluyang malagutan ng hininga sanhi ng ilang saksak sa ibat-ibang bahagi ng katawan buhat sa isang patalim.
Sa nasabing pagamutan din isinugod ang isa sa tatlong suspek na hindi pa rin nakikilala makaraang magtamo naman ng tama ng saksak ng balisong sa likod na naging sanhi rin ng kanyang kamatayan.
Batay sa imbestigasyon ni PO3 Johnny Margate ng Investigation and Detective Management Unit ng Parañaque police, nagtungo sa panulukan ng Doña Soledad Avenue at Don Bosco si Ruaza dakong alas-12 ng madaling araw upang abangan ang pagdating ng kanyang asawa na may panggabing trabaho.
Habang nakatayo sa naturang lugar, napatingin si Ruaza sa dumarating na tatlong kalalakihan na pawang mga lasing. Minasama umano ng tatlo ang pagtingin sa kanila ni Ruaza kaya sinita nila ang biktima hanggang sa humantong sa pagkakaroon nila ng mainitang argumento.
Pinagtulungan na umanong gulpihin ng tatlo ang biktima habang ang isa’y bumunot pa ng patalim subalit naagaw ito ni Ruaza at ginamit sa pananaksak sa isa sa mga suspect na nahagip sa likurang bahagi ng katawan. (Lordeth Bonilla)
- Latest
- Trending