Isang 25-anyos na dalaga ang arestado matapos na hindi umano nito nabayaran ang ininom na alak sa isang bar sa Malabon City kahapon ng madaling-araw.
Nahaharap sa kasong estafa si Cynthia Villarta, taga-Brgy. Tañong ng nabanggit na lungsod matapos na hindi nito mabayaran ang halagang P245 na nainom nito.
Sa ulat ng pulisya, dakong alas-12:10 ng madaling-araw nang maganap ang insidente sa loob ng Butsoy Eatery na matatagpuan sa F. Sevilla Blvd., Brgy. Tañong.
Nang sinisingil na si Villarta sa kanyang nainom na halagang P245, ikinatwiran niyang dala ng kanyang kaibigan ang kanyang pitaka at magalang na nakiusap ito na hanapin upang mabayaran.
Pinagbigyan naman ang dalaga at sinamahan pa ito subalit hindi nito nakita ang sinasabing kaibigan na naging dahilan upang dalhin na lamang ito sa presinto at ireklamo ng estafa. (Lordeth Bonilla)