Isinulong na sa Manila Regional Trial Court (RTC) ang kasong katiwalian laban sa isang sheriff ng Department of Labor and Employment (DOLE) na humingi ng ‘lagay’ matapos manalo sa labor case ang isang partido noong nakalipas na taon.
Kasong paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act ang isinampa sa Manila RTC ni Assistant City Prosecutor Lani M. Ramos matapos makakita ng probable cause laban kay Jacinto O. Ruiz, 57, ng Gen. Trias, Cavite.
Inirekomenda ang P30,000 piyansa para sa pansamantalang paglaya ni Ruiz. Nag-ugat ang kaso sa reklamo ng biktimang si Leonardo C. Candida ng Sta. Quiteria, Caloocan City nang hingan ito ni Ruiz ng salapi noong Oktubre 2006.
Si Ruiz umano ang may hawak sa implementasyon ng writ of execution na inisyu ng DOLE at hinimok siya na magbigay ng P10,000 kapalit ng pagsasali sa mga ari-arian ng natalong kompanya sa inisyung writ. (Ludy Bermudo)