20 magsasaka inaresto ng pulisya
Pinagdadampot at ikinulong kahapon ng umaga sa Station 10 Kamuning Police Station ang may 20 ng Negros Occidental na nagprotesta at pumasok sa loob ng compound ng gusali ng Land Registration Authority (LRA) sa East Avenue, Quezon City.
Ganap na alas -9:30 ng umaga nang ipabitbit ni Col. Ferdinand Ampil, Station 10 Commander QC Police sa mga elemento ng Swat team ang mga naturang magsasaka at saka isinakay sa isang aircon bus at dinala sa Kamuning police station.
Sinasabing noong Miyerkules ng gabi ay nag -camp out na sa harap ng gusali ng LRA ang naturang mga magsasaka at nang gumabi na ay pumasok sa LRA building. Ang mga ito ay nagpupursigeng makakuha ng parte ng lupa na pagmamay-ari ni First Gentleman Jose Miguel Arroyo sa Negros Occidental.
Ayon kay Heidi Fernandez, spokeswoman ng Task Force Mapalad, kinilala ang ilang naarestong magsasaka na sina Alexander Celis, Bonifacio Alegona, Josem Pacesola, Rogelio Salba, Irene Celis, Romeo Pidoy, Salestiano Pacesola, Eduardo Oracion, at Liezel Amonhay.
Sa kanyang panig, sinabi ni Col. Ampil na na inokupahan ng naturang mga magsasaka ang lobby ng LRA building nang walang awtorisasyon . Pinayuhan niya anya ang mga magsasaka na lisanin ang naturang lugar pero hindi siya sinunod ng mga ito kayat napilitan siyang ipaaresto ang mga ito. Sinasabing layunin ng pagkilos ng mga magsasaka ng Negros na hikayatin ang LRA na ipalabas ang Register of Deeds office sa Bacolod City para irehistro sa kanilang pangalan ang kanilang certificate of land ownership awards (CLOA) kung saan ang lupang nai-award na sa kanila ay pagmamay- ari ng Pamilya Arroyo. (Angie dela Cruz)
- Latest
- Trending