Bantang mass actions ni JDV, inismol ng NCRPO

Hindi itinuturing na banta sa seguridad ng Na­tional Capital Region Po­lice Office (NCRPO) ang bantang mass actions ng kampo ni Pangasinan Rep. Jose de Venecia at ng mga militanteng organisasyon laban sa administrasyon ni Pangulong Gloria Maca­pagal Arroyo.

Ito ang inihayag ni NCRPO chief Director Leo­poldo Bataoil, ma­tapos na magbanta si de Venecia at ang iba pang militanteng grupo na maglulunsad ng street protests kasunod ng pagkakabasura sa Maba­ bang Kapulungan ng Kon­greso ng ikaapat na kasong impeachment na isinampa laban sa punong ehekutibo.

Ayon kay Bataoil, wala silang nakikitang malaki­hang rally na babandera sa mga lansangan.

Sinabi ni Bataoil na kung magkaroon man ng mga kilos protesta ay maliliit lamang ito at hindi dapat ikabahala tulad ng mga nagdaang taon na masyadong mainit ang girian ng mga raliyista at ng anti-riot team ng NCRPO.

Ayon kay Bataoil, mag­sasagawa ang NCRPO ng diyalogo sa mga orga­nizers ng mga raliyista upang tiyakin na susunod ang mga ito sa batas para idaos ang kanilang kilos protesta sa idineklarang ‘rally zone area’ tulad ng Freedom Park.

Binigyang diin ni Ba­taoil na hindi nila pipigilan ang mga demonstrador na malayang makapagpa­hayag ng kanilang damda­min dahilan karapatan nila ito bilang bahagi ng umiiral na demokrasya sa bansa pero dapat na sumunod ang mga ito sa batas. Idi­nag­dag pa nito na ipa­tu­tupad nila ang maximum tolerance at no rally no per­mit policy sa mga idaraos na kilos protesta. (Joy Cantos)

Show comments