Pinagbabaril hanggang sa mapatay ang isang negosyante nang pasukin ng apat na armadong kalalakihan ang bahay nito sa Quezon City, kahapon ng madaling- araw.
Dead-on-the-spot sanhi ng tinamong tama ng kalibre .45 sa mukha at dibdib ang biktimang si Evangeline Espiritu, 56, residente ng Brgy. Gulod, Novaliches, Quezon City.
Isa pa lamang sa apat na suspek ang nakilala ng pulisya sa pangalang Bong Consular, sinasabing miyembro ng Kidnap for Ransom Syndicate (KRS) na ngayon ay pinaghahanap ng pulisya.
Sa pagsisiyasat ni PO2 Randy Bantillo, ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU), naganap ang insidente dakong alas-5:30 ng madaling-araw sa loob mismo ng bahay ng biktima.
Ayon sa ka-live-in ni Espiritu na si Ruben Perez, 57, bago ang pamamaril ay ginising sila ng mga katok sa kanilang pintuan kaya dali-daling binuksan ng biktima ang pinto.
Pagka-bukas na pagka- bukas aniya ng pinto ay biglang sinalubong ang biktima ng mga putok ng baril na agad na ikinamatay nito. Bago rito, sinabi ni Perez na pinagbantaan ng suspek na si Consular ang biktima pero hindi nabatid kung ano ang dahilan.
Ang kasong ito ay patuloy na binubusisi ng pulisya.