Unioil nagbagsak presyo sa produktong petrolyo
Matapos na magpahayag ang ibang kompanya ng langis ng P1 rollback sa kada litro sa presyo ng diesel at P2 kada litro naman sa gasoline ay muling sinorpresa ng independent player na Unioil ang consumers matapos na magrollback ito ng P4 kada litro sa presyo ng kanilang tindang diesel at P6 naman sa produktong gasolina.
Ayon kay Unioil General Manager Chito Medina Cue, ang panibagong rollback ng kanilang kompanya sa presyo ng petrolyo ay sinimulan dakong alas-2 ng hapon kahapon.
Paliwanag nito na nagdesisyon ang kompanya ng malakihang rollback dahil sa malaking ibinaba ng presyo ng krudo sa pandaigdigang pamilihan na ayon sa kanila ay nasa pagitan na lang ng $47 hanggang $49 kada bariles.
Dagdag pa ni Cue na nagdesisyon ang kanilang kompanya na isang malakihang rollback na naman ang kanilang gawin upang makahatak sila ng mas maraming kostumer dahil sa mas mababa ang presyo ng kanilang produkto ng hanggang P2 kada litro. Dahil dito, umaabot na lang ang presyo ng tindang diesel ng Unioil sa P34 hanggang P35 kada litro habang ang gasoline nilang tinda ay naglalaro na lang sa P39 hanggang 38 kada litro.
Kung patuloy pa sa pagbaba ang presyo ng produktong petrolyo sa mga susunod na linggo pahabol pa ni Cue na asahan pa na magkakaroon muli ng panibagong rollback ang kanilang kompanya hanggang sa matapos ang Pasko.
- Latest
- Trending