Naaresto ng Bureau of Immigration (BI) ang isang 64-anyos na Japanese businessman na dating assemblyman sa Osaka, Japan na wanted sa kanilang bansa dahil sa hindi nito pagbabayad ng buwis na 250 milyon yen. Kinilala ni BI commissioner Marcelino Libanan ang suspek na si Masumi Ogawa. Naaresto si Ogawa kamakalawa sa Mandarin Hotel, Makati City kung saan ito pansamantalang nanunuluyan matapos ang halos isang linggong surveillance. Umaabot sa 700 million yen ang kinikita ni Ogawa mula sa kanyang real estate business subalit hindi nito idinideklara nang tama sa kanyang buwis.
Base sa record ng BI dumating sa bansa ang Hapon noong Nob. 18 kung saan dalawang pasaporte ang hawak nito, isa rito ay peke na may pangalang Hideku Tatsuni. (Gemma Garcia at Rose Tesoro)