Babaeng engineer patay sa ambush
Nasawi ang isang 43-anyos na inhinyera makaraang tambangan ng mga hinihinalang propesyunal na hitman ang kanyang sinasakyang van, kamakalawa ng gabi sa Old Balara, Quezon City.
Nakilala ang nasawing biktima na si Marianita Dizon, isang civil engineer at may-ari ng CPS Engineering Company, ng Brgy. Plainview, Mandaluyong City. Nagtamo ito ng tama ng bala sa ulo at katawan sanhi ng agad na kamatayan.
Sugatan naman matapos na madaplisan ng bala sa magkabilang balikat ang staff ni Dizon na si Leyne Gendram, 27, isa ring civil engineer.
Sa ulat ng pulisya, naganap ang pananambang dakong alas-7 ng gabi sa may ilalim ng pedestrian overpass sa Commonwealth Avenue, Brgy. Old Balara.
Nabatid na minamaneho ng biktima ang isang asul na Mitsubishi Adventure (CDJ-589) kasama ang dalawang staff kabilang na si Gendram nang dumikit sa kanila ang isang motorsiklo sakay ang dalawang lalaki. Agad na binistay ng bala ng mga suspek ang biktima bago tumakas patungo sa direksyon ng Fairview.
Sinabi ni QCPD director, Sr. Supt. Magtanggol Gatdula na malalim umano ang ugat ng krimen matapos na mabatid na matagal nang nakakatanggap ng death threats ang biktima. (Danilo Garcia)
- Latest
- Trending