Patay ang isang empleyado nang barilin ito ng shotgun ng security guard ng kanilang kompanya matapos na tangkaing pumasok sa trabaho ng una nang umano’y nasa impluwensiya ng alak, kamakalawa ng gabi sa Caloocan City.
Nakilala ang nasawi na si si Rex Anthony Magtuba, 28, empleyado ng Florence Food Corp. Kasalukuyan namang tinutugis ng mga awtoridad ang suspect na si Christopher Arias, security guard ng JOPRA Security Agency, nakatalaga sa nasabing kompanya na mabilis na tumakas matapos ang insidente.
Batay sa ulat, dakong alas-10:20 ng gabi nang maganap ang insidente sa loob mismo ng kompanyang pinagtatrabahuhan kapwa ng biktima at suspect na matatagpuan sa Talisay St., Amparo Gate 3, Caloocan City.
Nabatid na unang dumating ang biktima kasama si Richard Cajunton, 20, at pilit na pumasok sa loob ng nasabing kompanya subalit agad silang pinigil ng gwardiya dahil umano sa parehong lasing ang dalawa. Dito nairita ang biktima kung kaya’t kinulit nito ang suspect na humantong naman sa isang mainitang pagtatalo. (Rose Tamayo-Tesoro)