Pasyente binoga sa ospital, patay

Palaisipan sa mga awto­ridad ang paglusot ng armadong lalaki sa ma­higpit na pagbabantay ng City Security Force (CSF) nang barilin at tuluyang mapatay ang isang 28-anyos na la­laking nauna nang binaril at ginagamot sa Gat An­dres Bonifacio Memorial Me­dical Center, maging ang bantay nito ay pinag­ba­­baril din at nasa malub­hang kalaga­yan kahapon ng umaga sa Tondo, Maynila.

Nakilala ang nasawi na si Norven Nicol, ng Unit 36, Temporary Housing, Road 10, Tondo, Manila.

Nabatid na si Nicol ay isi­nugod at ginagamot sa Gat An­dres Bonifacio matapos itong pagbabari­lin kama­kailan. Ayon sa ulat, dakong ala-1:20 ng ma­daling araw nang pu­masok sa Room 306 ng naturang paga­mutan ang suspect na sinasabing isang Enri­que Bucad, alyas Toto Bucad, 31.

Napag-alaman na tulog noon ang pasyen­teng si Nicol habang naka­idlip din ang bantay nitong si Rodolfo Magcalang, 37. Wala umanong sabi-sabing pinaputukan ng suspect sa ulo si Nicol na naging sanhi ng kanyang kamatayan at nang ma­gising naman ang bantay nito ay ito naman ang pina­ulanan ng bala ng baril at ngayon ay nasa kritikal na kondisyon.

Pinilit naman ng mga doktor na maisalba ang buhay ni Nicol subalit bina­wian na agad ito ng buhay.

Mabilis namang tuma­kas ang suspect lulan ng isang kulay maroon na kotse na minamaneho ng isa pa nitong kasabwat.

Una nang isinugod sa nasabing ospital si Nicol makaraang mabaril ito ka­sama ang isang Keneth Franco, 18, dakong alas-4 ng madaling-araw sa ha­rapan ng Rey Junk shop sa Road 10, Temporary Housing, Tondo noong November 21, 2008.

Isang masusing imbes­ti­gasyon pa rin ang isinasa­gawa ng pulisya ukol dito.

Show comments