Pasyente binoga sa ospital, patay
Palaisipan sa mga awtoridad ang paglusot ng armadong lalaki sa mahigpit na pagbabantay ng City Security Force (CSF) nang barilin at tuluyang mapatay ang isang 28-anyos na lalaking nauna nang binaril at ginagamot sa Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center, maging ang bantay nito ay pinagbabaril din at nasa malubhang kalagayan kahapon ng umaga sa Tondo, Maynila.
Nakilala ang nasawi na si Norven Nicol, ng Unit 36, Temporary Housing, Road 10, Tondo, Manila.
Nabatid na si Nicol ay isinugod at ginagamot sa Gat Andres Bonifacio matapos itong pagbabarilin kamakailan. Ayon sa ulat, dakong ala-1:20 ng madaling araw nang pumasok sa Room 306 ng naturang pagamutan ang suspect na sinasabing isang Enrique Bucad, alyas Toto Bucad, 31.
Napag-alaman na tulog noon ang pasyenteng si Nicol habang nakaidlip din ang bantay nitong si Rodolfo Magcalang, 37. Wala umanong sabi-sabing pinaputukan ng suspect sa ulo si Nicol na naging sanhi ng kanyang kamatayan at nang magising naman ang bantay nito ay ito naman ang pinaulanan ng bala ng baril at ngayon ay nasa kritikal na kondisyon.
Pinilit naman ng mga doktor na maisalba ang buhay ni Nicol subalit binawian na agad ito ng buhay.
Mabilis namang tumakas ang suspect lulan ng isang kulay maroon na kotse na minamaneho ng isa pa nitong kasabwat.
Una nang isinugod sa nasabing ospital si Nicol makaraang mabaril ito kasama ang isang Keneth Franco, 18, dakong alas-4 ng madaling-araw sa harapan ng Rey Junk shop sa Road 10, Temporary Housing, Tondo noong November 21, 2008.
Isang masusing imbestigasyon pa rin ang isinasagawa ng pulisya ukol dito.
- Latest
- Trending