Pekeng Prada bags nasamsam ng NBI
Nakumpiska ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) ang tinatayang P200,000 halaga ng mga pekeng Prada handbags, wallets, at pouches sa isinagawang pagsalakay sa ilang stall sa Divisoria sa Manila.
Ayon kay NBI Director Atty. Nestor M. Mantaring, nag-ugat ang pagsalakay sa reklamo ng Prada sa pamamagitan ng American System International Inc., (ASSI) dahil sa talamak umano ang pagbebenta ng mga pekeng handbags, wallets at pouches na may trade name na *Prada*
Kaagad naman nakumpirma ang reklamo matapos na magsagawa ng serye ng surveillance kaya’t mabilis na nagsagawa nang pagsalakay ang NBI sa bisa ng search warrants na ipinalabas ni Judge Antonio M. Eugenio Jr. ng Manila Regional Trial Court (RTC) Branch 24.
Kabilang sa mga nakumpiska ng mga awtoridad ang 714 piraso ng assorted counterfeit products na may tatak na Prada at nagkakahalaga ng halos P200,000.
Nahaharap naman sa kasong paglabag sa Section 168 o unfair competition in relation sa Section 170 ng RA 8293 (intellectual property code of the Philippines) ang mga may-ari ng tindahan ng nakumpiskahan ng mga pekeng produkto. (Gemma Amargo-Garcia)
- Latest
- Trending