Nagpakamatay sa pamamagitan nang pagbibigti ang isang 55-anyos na komadrona sa loob ng inuupahan nitong silid ng isang hotel kahapon ng umaga sa Pasay City.
Patay na nang matagpuan ni Melvin Quinto, 18, room boy ng Rotonda Hotel na nasa kanto ng Edsa at Taft Avenue sa nabanggit na lungsod ang biktimang si Evangeline Sol Cruz, ng Gold St., R. Medina, Brgy. San Dionisio, Parañaque. Isang nylon cord na ipinulupot sa kanyang leeg ang ginamit nito sa pagpapakamatay dakong alas-8:30 ng umaga sa Rm. 412 ng naturang hotel.
Sa imbestigasyon ng pulisya, mag-isang nag-check-in ang biktima dakong alas-7:30 kamakalawa ng gabi para sa 10-oras na pananatili sa loob ng inupahang silid.
Dakong alas-5:30 ng umaga nang bumaba umano ang biktima upang ipaalam na i-extend pa niya ng tatlong oras na pag-check-in at muli itong umakyat makaraang magbayad para sa karagdagang oras.
Nang matapos na ang oras ng pananatili ng biktima, kinatok na siya ni Quinto sa inupahang silid subalit hindi na nagbukas ng pinto kaya’t gumamit na ng duplicate key ang roomboy upang mabuksan ang silid at dito na natambad ang nakabiting katawan ng biktima sa loob ng banyo.
Isang liham naman ng pamamaalam ang nakita sa gilid ng kama sa loob ng silid kung saan humihingi ng kapatawaran ang biktima sa kanyang ginawa at ipinagbilin pa na huwag pababayaan sina Ricky, Rolly at Che na hindi naman mabatid ng pulisya kung ano ang relasyon ng mga ito sa nasawi.
Pansamantalang inilagak naman ng pulisya sa isang punerarya sa Libertad, Pasay City ang bangkay ng komandrona upang isailalim muna sa awtopsiya. (Lordeth Bonilla)