Patay ang isang puils makaraang aksidente nitong makalabit ang gatilyo ng kanyang service firearm na ikinadamay naman ng isang nurse na tinamaan din sa mukha matapos tumagos ang bala sa ulo ng una kamakalawa ng gabi sa Marikina City.
Namatay habang nilalapatan ng lunas sa Amang Rodriguez Medical Center sanhi ng tinamong isang tama ng bala sa ulo ang biktimang si PO2 Rommel Allan Mendoza, nakatalaga sa PCP 14 ng Marikina police.
Samantala nasa kritikal na kondisyon din sa nasabing pagamutan ang isa pang biktima na si Henry Cruz, 34, nurse ng Rescue 161 ng Marikina police matapos na tamaan ng bala sa mukha nang tumagos ang bala sa ulo ng pulis.
Sa ulat, naganap ang insidente dakong alas-9 ng gabi sa loob ng Tactical Operation Center (TOC) ng Marikina PNP Headquarters.
Nabatid na hinugot ni PO2 Mendoza ang kanyang 9mm na service firearm upang tignan umano ang safety lever subalit aksidente umano nitong nakalabit ang gatilyo ng baril dahilan upang tumama ito sa kanyang sentido at tumagos sa kabilang bahagi ay tinamaan din ang katabing si Cruz.
Agad namang isinugod sa nasabing pagamutan ang dalawang biktima subalit ilang sandali lang ay binawian na ng buhay ang pulis, habang ang nurse naman ay kasalukuyang nasa intensive care unit (ICU) at patuloy na inoobserbahan. (Edwin Balasa)