Parak na nakapatay sa apo ni Lomibao, kinasuhan
Sinampahan na ng kasong homicide sa Quezon City Prosecutor’s Office ang pulis na nakapatay sa apo ni dating PNP Chief ret. Director General Arturo Lomibao kamakalawa ng madaling araw.
Nakakulong ngayon sa QCPD-Criminal Investigation and Detection Unit detention cell ang suspek na si PO3 Melenio Donato, nakatalaga sa QCPD District-Station 7 (Cubao) dahil sa pagkakapatay kay Allan Lomibao Sarmiento, 24.
Sinampahan rin ng dagdag na dalawang kasong frustrated homicide si Donato nina Victor Rodillas, 29 at Maryan Sanchez na kapwa tinamaan rin ng bala sa komosyon. Sinabi ni Homicide Section chief, Supt. Marcelino Pedrozo na nagsampa rin naman si Donato ng kasong alarm and scandal, direct assault at obstruction in the apprehension of criminal offender kina Rodillas at Maryan Sanchez. Sa salaysay ni Donato, rumesponde siya sa paghingi ng tulong ng Bahay Grill and KTV bar sa may N. Domingo St., Brgy. Kaunlaran dahil sa panggugulo umano ng grupo nina Sarmiento.
Nabatid na may nakabanggang ibang grupo sina Sarmiento sanhi upang magwala ito. Poposasan umano ni Donato si Sarmiento nang pumalag ito at makipagbuno sa kanyang baril na aksidenteng sunud-sunod na pumutok. Dito tinamaan si Sarmiento at dalawang biktima. Sinabi naman nina Rodillas at Sanchez na naposasan na umano ni Donato si Sarmiento na naghamon ng suntukan. Dito tinanggalan ng posas ni Donato ang biktima at nakipagsuntukan. Nang naagrabyado na, nagbunot na umano ng baril si Donato at sunud-sunod na namaril. (Danilo Garcia)
- Latest
- Trending