Naningil sa utang, tinarakan

Saksak ang binayad sa isang driver ng magka­patid at isa pang kasama nito matapos singilin ng una ang utang ng isa sa mga suspect, kamakalawa ng gabi sa Navotas. Patay na nang idating sa Tondo Medical Center sanhi ng mga saksak sa katawan si Angelito Yuno, 47 ng Kaunlaran Village ng nabanggit na lungsod.

Pinaghahanap naman ang magkapatid na Milky at Ikoy Evalian, kapitbahay ng biktima at isang hindi pa nakikilalang kasama ng mga ito. Batay sa ulat, dakong alas-7:45 ng gabi, naglalakad ang biktima sa Maliputo St. nang makasalubong nito ang mga suspect at singilin nito si Ikoy sa pagkakautang. Hindi umano nagbayad si Ikoy na naging dahilan ng pagtatalo hanggang sa pagtulungan pagsasaksakin ng mga suspect si Yuno. Matapos ang insidente ay tumakas ang mga suspect habang dinala ang biktima sa TMC na minalas namang hindi na umabot pa ng buhay. (Rose Tamayo-Tesoro)

Show comments