Isang sinasabing apo umano ni dating Philippine National Police Chief (ret.) Gen. Arturo Lomibao ang nasawi makaraang mabaril sa pakikipagbuno sa isang pulis na umaaresto dito dahil sa panggugulo sa isang KTV bar sa Quezon City kahapon ng madaling-araw.
Nakilala ang nasawi na si Allan Sarmiento y Lomibao, 24 anyos, at naninirahan sa #7-D 3rd Planas street, Brgy. Kaunlaran, Cubao, Quezon City.
Nagtamo ito ng isang tama ng bala sa katawan na siya niyang ikinamatay.
Ginagamot naman sa loob ng PNP General Hospital ang nakabaril na pulis na si PO3 Melenio Donato, nakatalaga sa Cubao Police Station. Posibleng maharap si Donato sa kasong kriminal kapag napatunayang nagkaroon ng pagkakasala sa insidente.
Isinugod rin sa naturang pagamutan ang barangay tanod na si Victor Cueto dahil sa tinamong sugat sa kaguluhan habang ginagamot naman sa Quirino Memorial Medical Center sina Victor Rodillas, 29, na tinamaan ng bala sa batok at Maryan Sanchez, 18, na nadaplisan ng bala sa kamay at paa.
Sa inisyal na ulat ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit, naganap ang krimen dakong ala-1:30 ng madaling-araw sa harapan ng isang Bahay Grill and KTV bar sa may N. Domingo street, Brgy. Kaunlaran, ng naturang lungsod.
Naunang humingi ng saklolo ang waiter ng bar na si Rommel Sanini kay Donato at mga barangay tanod dahil sa panggugulo ng grupo nina Sarmiento. Dito rumesponde ang pulis na umaresto sa lasing na si Sarmiento.
Akmang poposasan ng pulis si Sarmiento nang manlaban umano ito katulong ang mga kasamahan. Pinilit pa umanong agawin ni Sarmiento ang baril ni Donato kung saan sunud-sunod na pumutok ito at tinamaan ang biktima sa kanilang pagbubuno.