Bumbero hinarang ng sekyu; bahay ng ex-Col. tuluyang naabo

Tuluyang natupok ang bahay ng isang retiradong opisyal ng militar matapos na pigilan ng mga guwardiya ang mga bumbero na makapasok sa esklusibong subdibisyon sa Quezon City kahapon ng umaga.

Tuluyang natupok ang dalawang palapag na bahay ni ret. Philippine Army Colonel Pacifico Bana­ticla sa #35 Pinesville street, White Plains sa naturang lungsod.

Nabatid na nagsimula ang apoy dakong alas-6 ng umaga at nagawang makontrol ng mga bumbero dakong alas-7 ng umaga. Wala namang naiulat na nasaktan.

Inireklamo naman ni Banaticla ang naantalang pagdating ng mga bumbero sa kanyang bahay sanhi upang tuluyan itong masunog. Maaari umanong nasagip pa ito kung agad lamang nakaresponde ang mga bumbero.

Ikinatwiran naman ng Quezon City Fire Bureau na ang mga guwardiya ng naturang subdibisyon ang may kagagawan ng huli nilang pagresponde. Nabatid na hinarang umano sila ng mga guwardiya sa gate at pansamantalang hindi pinayagang makapasok. (Danilo Garcia)

Show comments